Thursday, April 05, 2007

Oyayi ni Maria

Salin ko ng tula ni Luci Shaw na may pamagat na "Mary's Song". Mula sa antolohiyang Listen to the Green, Harold Shaw Publishers, pahina 66

Oyaying karaniwan, gatas sa 'king dibdib
ang nagpapainit sa munting bituin
hubad at mahimbing sa 'king mga bisig
(tulog na... ikaw na nagbuhat pa sa malayo).
Ngayon, sa yakap ko, busog
maligaya ang katawan ng Diyos.
Tahimik na natutulog
siyang sinakbibi ng taglay na lakas
ang sandigdigan. Nahihimlay siya
na ang pilik-mata'y di pa pumipikit
kahit na kailanman.

(Anong banayad ng kanyang paghilik
na para bang di siya humihinga.)
Minsa'y binulabog ng hininga niya
ang madilim na kailaliman
upang umusbong ang daigdig.
Dinuduyan ng huni ng ibon, bulong ng dayami
Siya'y nananaginip
walang musikang naririnig
mula sa kanyang ibang daigdig.
Paghinga, bibig, teynga, mata
ay sa munting sanggol
gayong siya ay higit pa sa lahat ng langit
sa lahat ng araw.

Ninuno ng walang hanggan, ngayon
siya'y bata.Tulad ko
sumibol sa lupa, nakapako
sa mundo ng dalita, nakakulong
upang ako'y lumaya,
bulag sa aking sinapupunan
upang malaman kong nagwakas na
ang aking kadiliman, ipinanganak ko
upang ako'y muling isilang.
At upang mahayuma ang aking katauhan
kailangang makita ko
na siya'y gutay-gutay.

No comments:

Post a Comment

Illustrado by Miguel Syjuco -

[ Filipiniana Book Shelf series focuses on books on the PAWR library - that is, bought books that have been read and are being re-read  jus...